Ploning: Isang Pagsusuri
Ang Ploning, isang pelikula sa ilalim ng direksyon ni Dante Nico Garcia ay kanyang inialay para sa mga Cuyunon. Tungkol ito sa isang babae na sobra ang kabaitan at ang pagmamahal kung kaya’t ganoon na lang din siyang hinahangaan ng kaniyang mga kaibigan. Masayahin siya, mapagalaga, tahimik, hindi nagagalit at matulungin. Tumatayo siya bilang bato ng kanilang bayan, handa magbigay sa mga nangangailangan ng tulong sa mga gawain, o kahit nangangailangan lang ng makikinig o ng makakausap – yan si Ploning.
Madaming iba’t-ibang katauhan na gumanap sa pelikulang ito. Lahat sila, may kanya-kanyang ipinahihiwatig sa mga manunuod. Naroon si Susing, ang tatay ni Ploning na sa lahat ng tao sa Cuyo, dito pa napalayo ang kanyang loob. Si Celeste, Alma, at Nieves naman ang kanyang mga mabubuting kaibigan ngunit kahit sila ay nararamdaman ang pagdidistansiya na inilalagay ni Ploning sa kanyang sarili. Si Siloy naman ay ang batang nabigo sa pag-ibig, tahimik din ito tulad ni Ploning at masipag kaya’t tinutulungan din niya ito at binibigyan muli ng rason para maging masaya. Pero sa lahat ng kanyang inaasikaso, may isang bata na higit na pinagbuhusan ni Ploning ng pagmamahal, ito ang bata na si Digo. Si Digo ay talagang anak ni Juaning, ngunit dahil sa kanyang kapansanan, hindi niya ito masyadong naaalagaan kaya’t si Ploning na ang tumayo bilang nanay-nanayan sa bata. Sa umapisa pa lamang ng pelikula ay mapapansin na ang ispesyal na relasyon ng dalawa, talagang madadama ang pagmamahal nila sa isa’t-isa kahit pa man hindi sila magkadugo talaga.
Ang buong pelikula ay umiikot sa pagbabalik-gunita ni Digo sa kanyang kabataan. Siya ay nakabalik na sa Cuyo paglipas ng dalawampu’t-limang taon na inakala ng lahat na patay na siya. Inaalala niya ang mga pangyayaring naganap bago noong kapistahan ng taong 1982 kung kelan siya nawala. Sa pamamagitan ng kanyang mga alaala, ipinakilala saating mga manunuod si Ploning. Sa una ay magtataka tayo sa kanilang kaugnayan. Mapapaisip talaga kung bakit ganoon nalang kahalaga si Digo sakaniya. Pero tulad nga ng sabi ni Ploning, pagmamahal ang kaugnayan nila. Kay Digo na niya ibinuhos ang lahat ng pagmamahal na para sana sakaniyang nabigong pag-ibig. Si Tomas, ang kasintahan niya ay umalis patungo sa Maynila noong disidais años pa lang si Ploning at hindi na ito nakabalik, namatay na ng malayo sakanila. Subalit nawalan siya ng isang minamahal, ang pagkakataon naman ay binigyan siya ng isang biyaya sa pamamagitan ni Digo na naging ugat ng kanyang kaligayahan at duon nabunga ang kanilang relasyon.
Kung paano naman na nakapangintriga ang ugnayan nila ni Digo, ganoong din nakakapagtaka ang relasyon ni Ploning sa kaniyang ama na si Susing. Mapapansin din kaagad ng manunuod na malayo ang loob ng dalwa sa isa’t-isa. Nguni’t hindi man lubos na ipinaliwanag ang dahilan, ipinahiwatag na ito ay nagsimula sa isang gabi kung saan hindi nakauwi si Ploning sakanila. Suot niya noon ang puting damit na bigay ng Ama na sa huli ay naging sanhi din ng pagpapatawad nila sa isa’t-isa.
Mayaman talaga sa pagmamahal ang pelikulang ito, napapahayag ito ng pagmamahal sa kapwa, at pagmamahal sa wika, subalit hindi lang ito doon nagtatapos dahil mayaman din itong pelikula sa simbolismo. Ang mga simpleng bagay na ipinakita tulad ng balugo, lychees, ang puting damit ni Ploning, at mga iba pa ay may mas malalalim na kahulugan. Ang balugo na laging dala ni Ploning ay ang simbolo ng kanyang paghihintay at pagmamahal kay Tomas, ganito din naman ang asin para kay Intang, ang nanay ng binata. Para sakaniya, ang kanyang asin ay ang tangi niyang pag-asa na makita muli ang anak, kahit pa bangkay na lamang ito ayon sa malalaman ng manunuod sa bandang huli. Ito din ang malaking lihim na itinago ni Ploning ng ilang taon, and sanhi kanyang katahimikan at siguro ng kalungkutan na kahit minsan ay hindi niya ipinadama kahit kanino. Higit pa diyan, simbolismo din ang lata ng lychees at indigo dye ng kapistahan o ng selebrasyon. Ang mapahiran din ng dye kapag kapistahan ay bantas din ng pagiging isang Cuyunon. Ang lychees din at kasoy ang mga tanging nagpapaalala kay Digo sa kanyang nakaraan, sa pinakamamahal niyang nay’ Ploning. Ang puting damit naman ni Ploning, sa aking palagay ay nagpapahiwatig ng dahilan ng pagkakalayo ng loob ng mag-ama sa isa’t-isa at gayun din ang kanilang pagpapatawad. Ang paglalaba ni Susing rito ay parang simbolismo ng pagsuyo at paghingi at pagbigay ng kapatawaran sa anak.
Malungkot man sabihin na sa mga nakaraan na ilang taon, bihirang-bihira akong nakapapanuod ng pelikulang Pilipino at mas higit pang bihira na ganito sila kaganda. Ang Ploning para saaken ay nakapagbukas ng bagong pananaw para sa mga pelikulang Pilipino, dahil ito ay may sentido, hindi lamang ginawa upang makapagpalabas ng pelikula ngunit pinaghirapan talaga. Pinakita rito ang totoong buhay ng mga simpleng Pilipino, pinakita rin na kahit wala sila ng mga luho na mayroon ang karamihan saaten ngayon, napasasaya sila ng mga kaibigan lamang at ng mga taong nagmamahal sakanila. Ipinakita ang importansiya ng pamilya sa mga Pilipino, hindi lamang sa mga talagang kadugo, kung hindi pati na rin ang pamilya natin sa labas ng ating mga tahanan.
Ang Ploning sa aking palagay ang dapat maiangkop bilang isa sa mga pinakamagagandang pelikula na nagawa dito saatin. Hindi lamang dahil ito ay pinangungunahan ng mga batikang aktress tulad nina Judy Ann Santos, Gina Pareño, at Mylene Dizon, ngunit dahil din sa lahat ng ibang mga aktor na halatang nagbigay ng kanilang buong puso sa pag-gawa nito. Batay lang sa aking opinyon, bibigyan ko ito ng ”8 out of 10 stars”, para sa kagandahan ng kuwento, sa sinematograpiya, at sa lahat ng iba pang aspeto. Tiyak na irerekomenda ko ito sa mga taong gusto makapanuod ng isang pelikulang nakakapagpukaw sa damdamin at emosyon ng manunuod.
- Paz, Samantha Nichol 3LM2
No comments:
Post a Comment