Tuesday, March 10, 2009

Ploning

Ploning: Isang Pagsusuri

 

            Ang Ploning, isang pelikula sa ilalim ng direksyon ni Dante Nico Garcia ay kanyang inialay para sa mga Cuyunon. Tungkol ito sa isang babae na sobra ang kabaitan at ang pagmamahal kung kaya’t ganoon na lang din siyang hinahangaan ng kaniyang mga kaibigan. Masayahin siya, mapagalaga, tahimik, hindi nagagalit at matulungin. Tumatayo siya bilang bato ng kanilang bayan, handa magbigay sa mga nangangailangan ng tulong sa mga gawain, o kahit nangangailangan lang ng makikinig o ng makakausap – yan si Ploning.

            Madaming iba’t-ibang katauhan na gumanap sa pelikulang ito. Lahat sila, may kanya-kanyang ipinahihiwatig sa mga manunuod. Naroon si Susing, ang tatay ni Ploning na sa lahat ng tao sa Cuyo, dito pa napalayo ang kanyang loob. Si Celeste, Alma, at Nieves naman ang kanyang mga mabubuting kaibigan ngunit kahit sila ay nararamdaman ang pagdidistansiya na inilalagay ni Ploning sa kanyang sarili. Si Siloy naman ay ang batang nabigo sa pag-ibig, tahimik din ito tulad ni Ploning at masipag kaya’t tinutulungan din niya ito at binibigyan muli ng rason para maging masaya. Pero sa lahat ng kanyang inaasikaso, may isang bata na higit na pinagbuhusan ni Ploning ng pagmamahal, ito ang bata na si Digo. Si Digo ay talagang anak ni Juaning, ngunit dahil sa kanyang kapansanan, hindi niya ito masyadong naaalagaan kaya’t si Ploning na ang tumayo bilang nanay-nanayan sa bata. Sa umapisa pa lamang ng pelikula ay mapapansin na ang ispesyal na relasyon ng dalawa, talagang madadama ang pagmamahal nila sa isa’t-isa kahit pa man hindi sila magkadugo talaga.

            Ang buong pelikula ay umiikot sa pagbabalik-gunita ni Digo sa kanyang kabataan. Siya ay nakabalik na sa Cuyo paglipas ng dalawampu’t-limang taon na inakala ng lahat na patay na siya. Inaalala niya ang mga pangyayaring naganap bago noong kapistahan ng taong 1982 kung kelan siya nawala. Sa pamamagitan ng kanyang mga alaala, ipinakilala saating mga manunuod si Ploning. Sa una ay magtataka tayo sa kanilang kaugnayan. Mapapaisip talaga kung bakit ganoon nalang kahalaga si Digo sakaniya. Pero tulad nga ng sabi ni Ploning, pagmamahal ang kaugnayan nila. Kay Digo na niya ibinuhos ang lahat ng pagmamahal na para sana sakaniyang nabigong pag-ibig. Si Tomas, ang kasintahan niya ay umalis patungo sa Maynila noong disidais años pa lang si Ploning at hindi na ito nakabalik, namatay na ng malayo sakanila. Subalit nawalan siya ng isang minamahal, ang pagkakataon naman ay binigyan siya ng isang biyaya sa pamamagitan ni Digo na naging ugat ng kanyang kaligayahan at duon nabunga ang kanilang relasyon.

            Kung paano naman na nakapangintriga ang ugnayan nila ni Digo, ganoong din nakakapagtaka ang relasyon ni Ploning sa kaniyang ama na si Susing. Mapapansin din kaagad ng manunuod na malayo ang loob ng dalwa sa isa’t-isa. Nguni’t hindi man lubos na ipinaliwanag ang dahilan, ipinahiwatag na ito ay nagsimula sa isang gabi kung saan hindi nakauwi si Ploning sakanila. Suot niya noon ang puting damit na bigay ng Ama na sa huli ay naging sanhi din ng pagpapatawad nila sa isa’t-isa.

            Mayaman talaga sa pagmamahal ang pelikulang ito, napapahayag ito ng pagmamahal sa kapwa, at pagmamahal sa wika, subalit hindi lang ito doon nagtatapos dahil mayaman din itong pelikula sa simbolismo. Ang mga simpleng bagay na ipinakita tulad ng balugo, lychees, ang puting damit ni Ploning, at mga iba pa ay may mas malalalim na kahulugan. Ang balugo na laging dala ni Ploning ay ang simbolo ng kanyang paghihintay at pagmamahal kay Tomas, ganito din naman ang asin para kay Intang, ang nanay ng binata. Para sakaniya, ang kanyang asin ay ang tangi niyang pag-asa na makita muli ang anak, kahit pa bangkay na lamang ito ayon sa malalaman ng manunuod sa bandang huli. Ito din ang malaking lihim na itinago ni Ploning ng ilang taon, and sanhi kanyang katahimikan at siguro ng kalungkutan na kahit minsan ay hindi niya ipinadama kahit kanino. Higit pa diyan, simbolismo din ang lata ng lychees at indigo dye ng kapistahan o ng selebrasyon. Ang mapahiran din ng dye kapag kapistahan ay bantas din ng pagiging isang Cuyunon. Ang lychees din at kasoy ang mga tanging nagpapaalala kay Digo sa kanyang nakaraan, sa pinakamamahal niyang nay’ Ploning. Ang puting damit naman ni Ploning, sa aking palagay ay nagpapahiwatig ng dahilan ng pagkakalayo ng loob ng mag-ama sa isa’t-isa at gayun din ang kanilang pagpapatawad. Ang paglalaba ni Susing rito ay parang simbolismo ng pagsuyo at paghingi at pagbigay ng kapatawaran sa anak.

            Malungkot man sabihin na sa mga nakaraan na ilang taon, bihirang-bihira akong nakapapanuod ng pelikulang Pilipino at mas higit pang bihira na ganito sila kaganda. Ang Ploning para saaken ay nakapagbukas ng bagong pananaw para sa mga pelikulang Pilipino, dahil ito ay may sentido, hindi lamang ginawa upang makapagpalabas ng pelikula ngunit pinaghirapan talaga. Pinakita rito ang totoong buhay ng mga simpleng Pilipino, pinakita rin na kahit wala sila ng mga luho na mayroon ang karamihan saaten ngayon, napasasaya sila ng mga kaibigan lamang at ng mga taong nagmamahal sakanila. Ipinakita ang importansiya ng pamilya sa mga Pilipino, hindi lamang sa mga talagang kadugo, kung hindi pati na rin ang pamilya natin sa labas ng ating mga tahanan.

            Ang Ploning sa aking palagay ang dapat maiangkop bilang isa sa mga pinakamagagandang pelikula na nagawa dito saatin. Hindi lamang dahil ito ay pinangungunahan ng mga batikang aktress tulad nina Judy Ann Santos, Gina Pareño, at Mylene Dizon, ngunit dahil din sa lahat ng ibang mga aktor na halatang nagbigay ng kanilang buong puso sa pag-gawa nito. Batay lang sa aking opinyon, bibigyan ko ito ng ”8 out of 10 stars”, para sa kagandahan ng kuwento, sa sinematograpiya, at sa lahat ng iba pang aspeto. Tiyak na irerekomenda ko ito sa mga taong gusto makapanuod ng isang pelikulang nakakapagpukaw sa damdamin at emosyon ng manunuod.


- Paz, Samantha Nichol 3LM2

Kabugan

Kabugan: Isang Pagsusuri

 

          Ang Kabugan ay isang presentasyon na inihandog ng Teatro Tomasino para sakanilang ikatatlumpo’t-isang kasagsagan. Ito ay naglalaman ng dalwang magkaiba’t maaiigsi na dulang Kulay Rosas ang Dapit-Hapon Minsan sa Isang Taon at Anino. na nagmula kina Rj Leyran at Allan Lopez. Ang pamagat na Kabugan ay napili para sa partikular na rason na magkaiba ng director, manunulat at panauhin ng dalawang dula kahit nasa ilalim ito ng isang produksyon.

            Ang unang dulang pinamagatang Kulay Rosas ang Dapit-Hapon Minsan sa Isang Taon ay tungkol sa isang babae at isang lalaki na nagkakilala lamang sa isang zoo kung saan din nagbunga ang kanilang relasyon hanggang sa tuluyan ng nahulog ang loob ni Babae at hinihingi na nitong magpakasal sila. Dahil siguro hindi sila lubusang magkakilala, hindi gaano naniniwala si Babae sa mga kuwento ni Lalaki tungkol sa asawa nito. Siguro nga, masasabi din na dahil ang ibang kuwento ni Lalaki ay tila nga di kapani-paniwala tulad ng kuwento tungkol sa kapatid niyang si Lulubelle na nakagat dawn ng oso at tinubuan ng buhok sa katawan. Sa halip nito, patuloy pa din silang nagkikita, si Babae, isang taong nangungulila sa pagmamahal at si Lalaki, isa namang pilit na tinatakasan ang kanyang realidad ay nakahanap na temporariyong kaligtasan sa isa’t-isa. Pero sa kasamaang palad, dumating rin ang araw na nahuli na sila ng selosang asawa ni Lalaki, at pinatay sila nito sa pamamagitan ng  kanyang baril na magkasama sa kanilang tagpuan.

            Ang sumunod na kuwento ay ukol sa dalawang taong nagkasala at sa kadahilanang ito ay patuloy nila tong pinagbabayaran kahit wala na ang kanilang pinagsalaan. Ito ang istorya ni Luna at ni Maryo sa ikalawang dula na pinamagatang Anino. Si Luna ay isang relihiyosang babae na solitaryo nang naninirahan sa pangkasalukuyan pagkatapos ng mga pangyayaring kinasangkutan nila ni Maryo. Pinagtaksilan nila ang kanilang mga asawa, ang isa pa dito, ang asawa ni Luna, ay tatay ni Maryo. Ang kanilang kasalanan ay nagbunga ng mga mga pangit na insidente at karanan, kung kaya pinili na din ni Luna na manirahan sa malayo na lugar ng nagiisa kahit siya ay patuloy na ginugulo ng kanyang konsensiya. Ang Anino ay nakasentro sa mga pangyayaring makakapagpalinaw ng nakaraan kay Luna at ito patungo sa rebelasyon ni Maryo na siya talaga ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang Ama. Sa huli, and katuklasan ni Luna sa katotohanan ay maghahantong sa disisyon nitong bawiin ang buhay ni Maryo dahil sa kasalanan nito.

            Ang Teatrong Tomasino ay isa sa mga pinakapinagmamalaki ng Unibersidad dahil sa kanilang husay sa pag gawa ng mga produksiyon at sa pag arte, at oo, naniniwala ako dito. Isa sa mga pinakanagustuhan ko sa pagpapanuod ay ang kanilang teknikals tulad ng mga ilaw. Halatang-halata kasi na ito ay pinagisipan at pinaghandaan tulad na lang noong mga ginamit na ”black lights”. Maganda din ang kanilang mga tugtog na napili para sa mga eksena at talagang bagay na bagay ang mga ito. Maganda rin ang nagawa nila sa kasuutan ng mga aktor, mapanlikha at alam na mainam ang pagsisiyasat na ginawa upang bumagay ito sa istorya. Masasabi ko din ng may katapatan na mas nagustuhan ko ang pangalawang dula na Anino. Sa aking palagay, ito ay mas may kahulugan kaysa sa naunang dula. Mas maayos din ang pagkakasunod-sunod ng mga eksena nito, wala gaanong butas, mas mabilis makita ang ibig nitong ipahiwatig.

Ngunit, siguro, kung sasabihin ko ang totoo, hanggang doon lang talaga ang ikinasaya ko. Hindi naman dahil hindi marunong umarte ang mga aktor, pero dahil siguro sa rason na kahit naipamahagi naman nila ang kanilang mga mensahe, hindi nila masyadong naisalaysay sa awdyens ng buong-buo kung saan sila ay dapat ”maki-relate” saaming mga manunuod. Sa kadahilanang iyon kaya din hindi masyadong natatawa ang awdyens sa mga pagpapatawa na ibinabahagi nila. Masasabi ko din na madami na akong napanuod na higit na nakakatuwa kaysa dito dahil kahit nadala nila ang kanilang mga karakter, hindi naman nila masyadong napukaw ang mga damdamin ng kanilang mga manunuod.

           

 - Paz, Samantha Nichol 3LM2

Pocketbook : Pagsusuri

“In Love with a Playboy”

 

I. Sinopsis

 

            Ang maikling kuwento na ito ay tungkol sa dalawang tao na si Matilda Dineros at Luke Monteclaro na nagkakilala at nagkahulugan ng loob sa kakaibang sirkumstansya. Si Matilda any isang biente-dos años na dalaga na lumaki sa Batangas at kasalukuyang nagtratrabaho sa Monteclaro Beach Resort na pag-aari ng lola ni Luke bilang isang resepsiyonista. Si Luke naman ay biente-ocho años, laki sa ibang bansa, at kilala bilang isa sa mga pinakakahanga-hangang binata ng kanyang panahon dahil sa napakamatagumpay nitong advertising agency.

            Ang unang pagkikita nila ay tila di inaasahan ng dalawa, ngunit dahil sa isang komplikadong sitwasyon, napaglapit sila. Nagumpisa ito ng si Luke ay pumunta sa resort para lamang pagtaguan ang isang babae na nais siya pikutin. Sa pagpunta niya roon, nakaisip ito ng paraan kung papaano niya matatanggal ang interes ng babae na iyon – si Leslie Martel, isang modelo sa kanyang agency – sakaniya, at ito ay magpanggap na nagpakasal na siya. Dito pumasok si Matilda, o Mattie, na inirekomenda mismo ng lola ni Luke na si Doña Amalia para magpanggap na asawa ng kanyang apo.

Nag-alinlangan ng husto si Mattie noong una niyang nalaman ang ngunit pumayag na rin siya sa huli dahil naisip niya na makakatulong din sa kanyang pamilya ang isang daang libo na ibibigay nila sakaniya kada buwan bilang kompensasyon sa abala. Napagusapan nila na kailangan niyang manirahan sa bahay ni Luke sa Maynila ng mahigit kumulang dalawang buwan at hindi ito malaman dapat ng pamilya niya, sasabihin na lang nila na may kailangan itong asikasuhin sa Maynila na utos ni Doña Monteclaro.

Nang maayos na nila ang mga papeles ng peke nilang kasal ay tumuloy na sila ni Luke sa Maynila at doon ay tuloy-tuloy nang nagkahulugan ng loob kahit noong una ay ayaw pa nila itong aminin sa sarili. Nagkaroon man sila ng konting di pagkakaunawaan, sa huli ay naayos rin nila ito at patuloy na silang nagpakasal sa simbahan pagkatapos aminin ni Mattie sa kaniyang tatay ang buong pangyayari. Sa huli, nakuha rin ni Mattie ang prinsipe na matagal na niyang hinahanap ngunit hindi inaasahang makita.

 

II. Pagsusuri

            Ang aklat na ito ay tiyak kong masasabi na impormal, radikal at moderno. Una, ang estilo ng pagsusulat ay hindi tulad ng ginagamit para sa mga pormal na sulatin. Ang uri ng pagkuwento ay talagang isinulat sa pinakasimple nitong porma at tila ay parang kuwento lang ng isang taong nakakausap mo sa araw-araw. At kahit hindi naman gaanong seryoso ang tono na ginamit sa pagsusulat, hindi din naman ito bulgar. Pangalawa, masasabi ko na ito’y impormal dahil ang lengguwahe na gamit ay pinaghalong Tagalog at Ingles. Ang pagkukuwento ay pasalit-salit lamang ng gamit kahit pa sa uri ng kanilang pagsasalita o pagiisip.  Mapapansin din na may mga mali ito sa gramatika, siguro dahil ito sa kagustuhan ng awtor na gawing mas realistiko ang kanilang paguusap. Wala din masyadong gumamit ng tayutay o mga salawikain ang tagapaglikha, ang presentasyon talaga ng kuwento ay diretso lamang sa punto, prediktable, at mabilis intindihin di tulad ng mga nobelang mas malalalim at talagang kailangan ng lohikal o analitikal na pagiintindi.

 

III. Kongklusyon / Rekumendasyon

            Dahil ito ang una kong pagkakataon na makapagbasa ng aklat na may ganitong tema, hindi ko siya maikukumpara sa iba tulad ng sa kagandahan ng kanyang istorya o sa istilo ng pagsusulat ng mga ibang awtor ngunit siguro ay bibigyan ko siya ng 2 out of 5 stars. Ganyon pa man, siguro din ay mairerekumenda ko siya sa mga taong mahilig magbasa ng mga istorya tungkol sa pag-ibig dahil ito ay isang libro na nagpahihiwatig na ang pag-ibig ay hindi basta-basta mahahadlangan ng sirkumstansya, at nagbibigay ito ng magandang wakas sa istoryang talaga namang para sa mga tunay na romantiko sa puso.


- Paz, Samantha Nichol 3LM2